Thursday, October 20, 2011

Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon - Year A


–— –— –—
“Mga Sugo at Saksi sa Kautusan ng Pag-ibig”
Linggo ng Misyong Pandaigdig



Ngayong ikaapat na Linggo ng Oktubre, nag-aanyaya sa atin ang Ebanghelyo para magnilay sa pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Si Hesus ay hindi lamang ang marunong na guro na muling nagpahayag ng turo ng Banal na Kasulatan tungkol dito kundi siyang ganap na nagsagawa ng dalawang utos na ito. Pag-ibig sa Diyos at sa kapwa ang tunay na kahulugan ng Kristiyanismo. Ito rin ang ginintuang tuntuning namamatnubay sa mga mananampalataya sa pagtatatag ng Kaharian sa sari-sarili nila’t sa paligid nila.
Sa salaysay sa Ebanghelyo ni Mateo (Mt 22:34-40), sinamantala ni Hesus ang pagkakataong gamitin ang tanong sa kanyang may masamang layunin upang ituro sa lahat ng tao ang pangangailangang pagsamahin ang pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. Ito ang pinakabuod ng turong moral ng banal na pahayag na nilalaman ng Banal na Kasulatan.
Ngayong ipinagdiriwang natin ang Linggo ng Misyong Pandaigdig, ginugunita natin nang buong paghanga, pakikiisa, at malasakit ang lahat ng misyonero. Ibinabahagi nila ang yaman ng banal na pahayag sa mga taong may ibang pananampalataya at inaanyayahan nila ang mga itong maging masiglang kaanib ng Kaharian ng Diyos na itinatag ni Hesukristo.
Sa pagdiriwang ng Eukaristiyang ito, habang ipinagdarasal natin ang lahat ng misyonero, hilingin din natin sa Panginoon ang biyayang maisabuhay araw-araw ang dalawang kautusan ng pag-ibig, tulad ng ginawa ni Hesus.





Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo (Mt 22:34-40). Papuri sa iyo, Panginoon!

Noong panahong iyon, nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Hesus ang mga Saduseo.
At isa sa kanila, isang dalubhasa sa Kautusan, ang nagtanong kay Hesus upang subukin ito: “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” Sumagot si Hesus: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon! Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo!






Katesismo ng Iglesia Katolika (ccc)

#2083. Ang kabuuan ng mga tungkulin ng tao para sa Dios ay ipinaliwanag ni Jesus: “Ibigin mo ang Panginoon mong Dios nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong isip, at nang buo mong lakas”. Ang mga pangungusap na ito ay kasunod ng maringal na tawag: “Makinig ka, Israel, ang Panginoon nating Dios ay ang kaisa-isang Panginoon”.
Una tayong inibig ng Dios. Ang pag-ibig ng Dios na kaisa-isa ay ginugunita sa una ng “sampung salita”. Ang mga utos ay nagpapaliwanag tungkol sa pag-ibig na dapat isukli ng tao sa kanyang Dios.

#2196. Bilang sagot sa tanong kung alin ang pinaka-dakila sa mga utos, wika ni Jesus: “Ang una ay: makinig ka, Israel, ang Panginoon nating Dios ay ang kaisa-isang Panginoon, at iibigin mo ang Panginoon mong Dios ang buo mong puso, ng buo mong kaluluwa, ng buo mong isip at ng buo mong lakas. Ang pangalawa ay: iibigin mo ang iyong kapuwa ng gaya ng sarili mo. Walang ibang utos na higit pa sa rito”.
Ipinaaalala ni San Pablo: Ang umiibig sa kapuwa ay nakatutupad sa batas. Sa katunayan, ang mga ito: huwag kang makiapid, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, huwag kang magnanasa at lahat ng ibang mga utos ay nauuwi sa ganitong pangungusap, “Iibigin mo ang iyong kapuwa ng gaya ng iyong sarili. Ang pag-ibig ay di gumagawa ng masama sa kapuwa. Ang pag-ibig ay kabuuan ng batas.”



Mula sa “Ang Totoong Buhay Sa Diyos”

Kailanma’y Hindi Ako Mapapagod Sa Pagkatok
Mahalin Mo Ang Iyong Kapwa Tulad Ng Pagmamahal Mo Sa Iyong Sarili
28 Disyembre 1988

(Ang mensaheng ito ay para sa pangkat:)

Ako ang Panginoon.
Aking mga bulaklak, maging mapayapa kayo, sapagka’t Ako, ang inyong Panginoon, ang Kapayapaan. Minamahal Kong sangnilikha, labis Ko kayong minamahal! Kayo ay mahalaga sa Akin. Kayong mga tinawag Kong mga bulaklak, lumago kayo, lumago kayo sa Aking Banal na Liwanag. Ipagdasal Ninyo ang inyong mga kapatid na hindi pa nakikita ang Aking Liwanag;  ipagdasal ninyo ang kanilang pagbabalik-loob.
Mga bulaklak! Balak Kong tubigan kayo. Oo! Ang Aking batis ay lalakí upang maging isang ilog at ang Aking ilog ay lalakí upang maging isang dagat ng Kapayapaan at Pag-ibig. Nasabi Ko nang ipadadala Ko ang Aking Liwanag ng malayo at malawak at “Ako ay magbubuhos ng mga turòng tulad ng isang hula, bilang pamana para sa lahat ng darating pang mga henerasyon.”[1] Ako ang inyong Tagapag-aliw at Siyang lubos na nagmamahal sa inyo.
Mga bulaklak, nababatid Kong nabubuhay kayo sa isang panahon ng kalabuan; kung saan ang kalabuang ito ay nagdudulot lamang ng mga paghihirap, mga kalamidad, at katigangan. Naipahayag na, na sa mga panahong ito, marami ang mawawalan na ng pagpapahalaga sa Kabanalan at mamumuhay sa sarili nilang paraan at mawawalan na ng kakayahang makilala ang tama sa mali.
Mga bulaklak, kapag pinupuno ng isang kaluluwa ang kanyang sarili ng materiyalismo at kumakapit sa mga bagay na iniaalay ng mundo sa kanya, dito niya pinahihintulutan ang kanyang sariling mapuno ng Kalabuan, kaya’t walang iniiwang lugar para sa Kabanalan, walang lugar para sa Aking Espiritu upang umunlad sa kanya, walang lugar para sa Katotohanan, at walang lugar para sa Aking Liwanag. Siya ay nabubuhay sa kalabuan;
ito ang dahilan kung bakit ang nakararami sa mga nakababatang henerasyon ay kulang sa espiritualidad at ayaw makinig sa Aking Salita at kilalanin Ako bilang kanilang Diyos; ang hinahangad lamang nila ay mga hilig na maimbi, sapagka’t tinalikuran na nila ang Banal na Katotohanan bilang kapalit ng mga materyal na mga bagay.
Aking mga bulaklak, nababatid Kong, ang ilan sa inyo ay nagdurusang makita ang isa sa inyong kapwa na naglalakad sa kalabuang ito at nananatili sa malalim na pagtulog! Subali’t sinasabi Ko sa inyo na Ako, ang Panginoon, ay nasa labas ng kanilang mga pinto, lagi Akong naroroon, kumakatok, hanggang sa marinig nila Ako. Kailanma’y hindi Ako mapapagod sa pagkatok, at kailanma’y hinding-hindi Ko sila iiwan! Minamahal Ko kayong lahat ng pag-ibig na walang-hanggan, ang pag-ibig na itong laging hindi nauunawaan!
Magsilapit kayo sa Aking dala ang lahat ng inyong mga suliranin, ialay ninyo ang mga ito sa Akin at magpahinga kayo. Halina at humilig kayo sa Akin, Ako ang inyong Tagapag-aliw at aaliwin Ko kayo, ipinagkakaloob sa inyo ang Aking Kapayapaan. Lumapit kayo sa inyong Maamong Tagapagligtas at hihilumin Ko ang lahat ng inyong mga sugat; kailanma’y huwag kayong mapapagod na tawagin Ako at magdasal sa Akin. Lagi ninyo Akong kasama. Minamahal Ko kayo at binabasbasan Ko ang bawa’t isa sa inyo. Binabasbasan Ko ang lahat ng inyong mga pamilya.

(Hindi nagtagal, ang Ating Banal na Ina:)

Mga anak, lumapit kayo kay Hesus, tinatawag Niya kayong lahat mula sa Kanyang Krus. Pasayahin ninyo si Hesus sa pamamagitan ng pagmamahal ninyo sa isa’t-isa tulad ng pagmamahal Niya sa inyo, sapagka’t ang buong Batas ay mabubuod sa iisang utos: “Mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”[2]
Hanapin mo ang Kapayapaan at Pag-ibig sa Kanyang Puso. Kunin mo ang Kanyang Kapayapaan at Pag-ibig at ikalat mo Ito sa inyo. Punuin mo ang buong mundo ng Kanyang Banal na Pag-ibig, punuin mo ang iyong kaluluwa ng kagalakang itong iniaalay ng Aking Anak sa iyo.
Aking mga munti, magdasal, magdasal at makipag-usap kayo sa Diyos, magkaroon kayo ng walang-patid na ugnayan sa inyong Amang nasa Langit. Magdasal kayo ng maalab, hayaan ninyong makarating ang inyong mga panalangin sa Kanya, magdasal ng may pag-ibig, ipadama ninyo sa Kanya ang inyong mga panalangin.
O mga anak, lubos Ko kayong minamahal! Lagi ninyo Akong kasama. Ako ay naririto ngayon, kasama ninyo, at makakasama ninyo Ako paglisan ninyo sa lugar na ito at makakasama ninyo pagpasok ninyo sa inyong mga tahanan. Lagi Kaming Naririto at sa magpasawalang-hanggan.
Binabasbasan Ko kayong lahat sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.
Tayo, natin.

(Hiniling sa akin ng Panginoon na basahin sa pagtitipon ang Galacia 5 at 6, na siyang gagawin ko.)


Ibigin  Mo  Ang  Iyong  Kapwa
Tulad Ng  Iyong  Sarili
10 Hulyo 1987

Aking bulaklak, isama mo ang iyong buong katauhan sa Aking Katawan.  Mahirap  ang  mamuhay  sa  disyerto,  subali’t  lagi  kitang papatnubayan patungo sa Aking Bukal, kung saan Ko papawiin ang iyong pagkauhaw at mabibigyan kita ng kapahingahan at kalinga. Anak, maging sakripisyo kita; ang lahat ay hindi mauuwi sa walang kabuluhan. Kumapit ka sa Akin; hindi ka nag-iisa; magkasama tayong tumatawid sa disyerto. Pahintulutan mo Akong iukit sa iyo ang Aking mahalagang utos: “Ibigin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili.”

Subali’t, Panginoon, ito po ay hindi nabago, sinabi na Ninyo ito noon.

Sumusunod ba kayo? Lahat ng mga nagsisimbang kaluluwa ay dapat matutong sumunod sa Aking Utos. Magtamo sila mula sa Aking Pag-ibig na Walang-Hanggan at sila’y magmahalan sa isa’t-isa.
Damhin mo Ako, ang lahat ng bahagi ng Aking Katawan ay sugatan, Vassula. Hindi Ko pa natatapos idikta sa iyo ang Aking mga hangarin, at mayroon pa Akong itinatagong higit na malaking hangarin! Vassula, ito’y nagsimula nang maramdaman mo sapagka’t tinutulungan kitang damhin kung ano ang Aking hangarin. Minamahal Ko ang Aking sangnilikha ng walang-hanggan.

Diyos ko, kapag ito ang Inyong ninanais, totoo nga na ang Inyong Kaharian sa lupa ay magiging katulad ng Inyong Kaharian sa Langit!



Panalangin sa Panahon ng Pagdadalisay

Amang Mahabagin, huwag Mo sanang hagupitin ng Iyong poot ang salinlahing ito, upang hindi sila malipol nang lubusan;
Huwag Mo sanang hagupitin ng pagkabahala’t dalamhati ang Iyong kawan, dahil ang tubig ay matutuyo at ang kalikasa’y malalanta; ang lahat ay mamamatay nang dahil sa Iyong poot at walang maiiwang bakas sa kanilang paglisan;
Pagniningasin ang daigdig ng init ng Iyong Hininga, ginagawa itong walang-halaga! Makikita ang isang bituing lilitaw mula sa guhit-tagpuan; Mawawasak ang gabi at mahuhulog ang abong tila niyebe sa taglamig, tinatabunan ang Iyong sambayanan upang matulad sa mga multo;
Kaawaan Mo kami, O Diyos, at huwag Mo kaming husgahan nang marahas; Alalahanin Mo ang mga pusong nagagalak sa Iyo at Ikaw sa kanila!
Alalahanin Mo ang mga tapat sa Iyo at huwag Mong pahihintulutang bumagsak nang may kalakasan ang Iyong Kamay sa amin,
Subalit, sa halip, nang dahil sa Iyong Awa’y iangat Mo kami at ilagay Mo ang Iyong mga tuntunin sa bawat puso. Amen                                                       
(28 Nobyembre 2009)




Ref.: Katesismo ng Iglesia Katolika • “True Life In God” by Vassula Ryden, translated by True Life In God – Philippines; website - www.tlig.org • Patnubay sa Misa, 23 Oktubre 2011, Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taong A.



Patnubay Tungo sa Kaharian
 
Pag-ibig sa Diyos at sa kapwa ay siyang kaluluwa ng Pakikipagtipan ng Panginoon sa Kanyang mga Hinirang. Kapabayaang magmahal ay pagsira sa Kasunduan at nagbunga ng mga biktima sa iba’t ibang pangkat sa lipunan (sangguniin ang Unang Pagbasa). Patuloy na ipinaaalaala ito ng lahat ng propeta sa mga tao.
Ang kabuuan ng dalawang pag-ibig na ito ay siya ring kaluluwa ng Bagong Kasunduang itinatag ni Kristo at nilagdaan ng kanyang dugo. Kinakatawan nito ang lahat ng mahahalagang kahingian ng Matandang Kautusan, ngunit higit itong mahigpit pagkat ito’y nasa bagong tagpuan ng Kaharian, at sunod sa halimbawa ni Hesus. Siya ang ganap na halimbawa ng kung paano natin dapat ibigin ang Diyos at ang ating kapwa pagkat isinabuhay niya ang dalawang pag-ibig nang buong katapatan hanggang ito’y kanya pang ikinamatay.
Ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa ay siyang tunay na “diwa ng Kristiyanismo.” Ito ang gintong tuntunin sa buhay na gumagabay sa lahat ng mananampalataya sa pagtatatag ng Kaharian sa kanilang sarili at kanilang kapaligiran.
Ang dalawang pag-ibig na ito ay kapwa tampok at magkapunuan – di ganap ang isa kung wala ang isa pa. Una sa lahat ang pag-ibig sa Diyos. Ito ang nagbibigay-kahulugan sa pag-ibig sa kapwa. Iniingatan nito ang lahat ng sangkap na ikatatatag. Gayunman, ang pag-ibig sa Diyos ay kailangang patunayan sa pag-ibig sa kapwa, gaya ng ipinakita sa atin ni Hesus sa kanyang buhay at kamatayan.
Anupa’t dalawang pag-ibig, isang puso, isang kalooban. Ang dalawang pag-ibig na ito ay magkaugnay na pag-ibig na di dapat magkahiwalay, di dapat maging magkaaway. Tinitiyak ni San Juan – na malamang ay nag-uulit sa sinabi ng kanyang Panginoon – ang pagkakaugnay ng dalawang pag-ibig na ito nang ipahayag niyang: Ang nagsasabing ‘Iniibig ko ang Diyos,’ at napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Kung yaong kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya maibig, paano niya maiibig ang Diyos na hindi nakikita?” (1 Jn 4:20). Kaya nga, “Ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang kapatid” (1 Jn 4:21).
Tanging sa pagsunod lamang sa mga kautusang ito at pagsasabuhay rito araw-araw, gaya ng ginawa ni Hesus, lalago ang Kaharian at ito’y magiging tunay na bahagi ng ating buhay.
Kapag tayo’y naging buhay na katuparan ng lahat ng tao alinsunod sa plano ng Diyos, ang Kaharian ay lalo pang lalago pagkat tunay na nag-iibayo ang kabutihan sa kapangyarihan ng biyaya ng Diyos.
Ito ay mahalagang bahagi ng Mabuting Balita na ipinahahayag ng mga misyonerong Katoliko sa mga rehiyon kung saan sila nangangaral. Nang dahil sa ganitong pananalig, nakuha nilang iwan ang kani-kanilang sariling bayan para mangibang lugar at makipamuhay sa mga di man nila kababaya’y inangkin na rin nila. Sa mundong nasisira ng hilig sa materiyalismo, hedonismo, at mga pamahiin, ipinaaalaala nila ang ganap na pangingibabaw ng Diyos sa lahat at ang tungkuling Siya’y mahalin nang lubusan. Sa mga lipunang nasira na ng pagkamakasarili, kasakiman, kapusukan, at kawalan ng katarungan, dulot ng mga misyonero ang tanging pangmatagalang solusyon sa tapat na pag-ibig sa kapwa na hinalimbawaan ni Kristo.
Kailanma’t tinatanggap at isinasabuhay ang ganitong mga kaloob, natutupad ang plano ng Diyos para sa sangkatauhan. At malalasap na ng mga tao dito pa man sa lupa ang paunang tikim ng kasiyahan at katuparang katangian ng langit.




Ref.: p.4, Patnubay sa Misa, 23 Oktubre 2011, Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taong A.



[1] Sirac 24:33
[2] Galacia 5:14-15

No comments: