Thursday, October 6, 2011

Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon - Taong A

–— –— –—

“Maligaya ang mga Inaanyayahan sa Piging ng Kaharian”


Bawat pagdiriwang ng Eukaristiya ay di lamang muling pagsasadula ng Huling Hapunan ng Panginoon, kundi paunang tikim din ng piging ng Kaharian. Ang paanyaya sa dalawang piging na ito ay una sa lahat isang tanda ng dakilang pag-ibig ng Panginoon para sa atin. Ito rin ay higit na di-hamak sa maaaring maging karapat-dapat sa mga pinakadakilang santo. Ngunit inaanyayahan tayo rito, salamat sa kabaitan ng Diyos.

Sa ganang atin, marapat namang ipakita ang ating pagpapahalaga sa pagkabukas-palad ng Panginoon sa pamamagitan ng pagdalo sa piging ng Eukaristiya nang may angkop na “gayak pangkasalan.” Ibig sabihin nito ay isang pusong lubos na malinis sa ano mang kasalanan at napalalamutihan ng lahat ng kabaitan ng isang disipulo ni Kristo.

Sa pagsisimula natin sa Eukaristiyang ito, pagtibayin nating muli ang pangako nating mamuhay sa harap ng Panginoon at ialay sa kanya ang pagpupugay ng isang pusong tapat.

Sa parabula ngayong tungkol sa piging pangkasalan, ginaganyak ni Hesus ang mga pinunong Judio na magnilay sa mahahalagang ibubunga ng pagtanggi sa paanyaya ng Diyos na sila’y maging bahagi ng Kaharian. Pinaaalalahanan din niya ang mga nagpaunlak sa paanyayang sila’y dapat tumugon sa moral na pananagutan sa kanilang katayuan.


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo (Mt 22:1-14). Papuri sa iyo, Panginoon!

Noong panahong iyon, muling nagsalita si Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya: “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: naghandog ng isang piging ang isang hari sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan ngunit ayaw nilang dumalo. Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin at kanyang pinagbilinan, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na naihanda ko na ang aking piging: napatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat ng bagay. Halina kayo sa piging!’ Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Humayo sila sa kanikanilang lakad; ang isa’y sa kanyang bukid at sa kanyang pangangalakal naman ang isa. Sinunggaban naman ng iba ang mga alipin, hinamak at pinatay.

Galit na galit ang hari. Pinaparoon niya ang kanyang mga kawal, ipinapuksa ang mga mamamatay-taong iyon at ipinasunog ang kanilang lunsod. Sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Nakahanda na ang piging, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya’t pumunta kayo sa mga lansangang matao, at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ Lumabas nga sa mga pangunahing lansangan ang mga alipin at isinama ang lahat ng natagpuan, masama’t mabuti, anupa’t napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.

Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, at nakita niya roon ang isang taong hindi nakadamit-pangkasalan. ‘Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakadamit-pangkasalan?’ tanong niya. Hindi nakaimik ang tao. Kaya’t sinabi ng hari sa mga katulong, ‘Gapusin ninyo ang kanyang kamay at paa at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo’y mananangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ Sapagkat marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang nahihirang.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon! Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo!


Katesismo ng Iglesia Katolika (ccc)

#545. Inaanyayahan ni Jesus na pumasok ang mga makasalanan sa piging ng Kaharian: “Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan”. Inaanyayahan sila na magbalik-loob, na kung hindi sa pamamagitan nito ay di sila makakapasok sa Kaharian. Subalit ipinadadama sa kanila ang kanyang walang hanggang awa, sa salita at gawa, sa pamamagitan ng mga kawang-gawa ng Ama; gayon din “ang malaking kasayahan sa langit dahil sa pagbabalik-loob ng isang makasalanan”. Ang pinakadakilang patunay ng pag-ibig na ito ay ang paghahandog ng sariling buhay sa “ikapagpapatawad ng mga kasalanan”.

#546. Nananawagan si Jesus na pumasok sa Kaharian sa paraan ng mga talinghaga, ang natatanging uri ng kanyang pagtuturo. Sa pamamagitan ng mga ito nag-aanyaya siya sa piging ng Kaharian subalit hinihingi rin upang matamo ang Kaharian, ang lubusang pagtalikod. Hindi sapat ang mga salita, kailangan ang mga gawa. Ang mga talinghaga ay mistulang salamin para sa tao: tinatanggap ba ang salita bilang lupang matigas o mabuting lupa? Ano ang ginagawa sa mga talentong tinanggap? Si Jesus at ang pag-iral ng Kaharian sa sanlibutan ay nakatago sa puso ng mga talinghaga. Kailangang pumasok sa Kaharian, maging alagad ni Cristo, upang makilala ang mga misterio ng Kaharian ng langit. Para sa mga nasa labas, ang pagtuturo ng mga talinghaga ay mahiwaga.


Mula sa “Ang Totoong Buhay Sa Diyos”

Oda ng Banal na Santatlo (ang Anak)

Pebrero – Abril 2003

ang Kaharian ng Langit ay maihahalintulad sa makaharing piging na inihandog ng hari para sa kasal ng kanyang anak, tulad ng nasa talinghagang ibingay Ko sa inyo[1], Ako ang Siyang nagsalita noon, na Siya ring nagasasalita ngayon; ang kasalan ay nakahanda na, subalit ang mga buong-pusong inanyayahan ay ayaw magsidaló; sa katunayan marami sa kanila ang kumutyâ sa paanyaya ng hari; ito ang kadalasang tukso sa mga naniniwalang sila’y gumagawa ayon sa Aking Kagustuhan at sila’y mga tinawag, subalit walang panahon upang tumugon sa Aking Panawagan; sa katunayan ang kanilang isip ay napakalayo sa Akin; buhos ang kanilang isip sa mga walang-kabuluhang mga bagay, o sa kanilang mga sariling kapakanan; matamlay sa paggalaw o sa paglisan sa ginhawang kinalalagyan, napakaraming iba’t-ibang dahilan ang kanilang ibinibigay; mabuti na lamang at nananatili ang mga hamak at ang mga may diwang dukha at ang mga taong kailanma’y hindi nakakilala sa Akin o nakarining sa Akin; sa mga taong ito Ko matatanggap ang papuri at parangal dahil sila ang mga hinirang na hindi tumanggi sa Aking Panawagang tulad ng mga unang mga bisita, o ng taong di-kusang-loob na pumasok nang hindi man lamang nagbihis ng damit pangkasalan; isinugo ng hari ang kanyang mga alipin upang magtungo sa lansangang matao sa bayan upang anyayahan ang lahat ng matagpuan, mabuti man o masama … ito ang mga taong hindi nagmula sa Akin[2] subalit sa kanila Ko sasabihin ngayong: “kayo ang Aking sambayanan;” sa halip na sabihan sila ng, “kayo’y hindi Ko sambayanan, kundi’y mga tinanggihan ng bawat uri ng lipunan,” tatawagin Ko silang anak ng buháy na Diyos, mga tagapagmana ng Aking Kaharian …

masdan mo, ang iyong Hari ay lumalapit sa iyo ngayon sa mga araw ng kadiliman na may tagasunod na mga anghel upang anyayahan ka sa Kanyang piging pangkasalan; marami ang tinawag subalit kakaunti ang hinirang … ang sinumang hindi nakabihis pangkasalan, na hindi nagsikap magbihis nang dahil sa kakulangan sa sigasig at paggalang ay hindi makapapasok sa Kaharian ng Langit;[3]

sinasabi Ko sa iyo nang buong katotohanang, hangga’t hindi mo Ako isinusuot bilang iyong damit pangkasalan ay hindi makikilala ng Ama ang larawan Ako sa iyo …[4] ‘marami Akong iuuwi mula sa ibang bansa; walang pader na tatayong hadlang sa kanilang daraanan, kundi’y pagbubuksan sila ng isang landas ng Aking mga Anghel, ang tagatanod ng Aking Bungad, habang naglalatag ng mga sapiro[5] sa ibabaw nito, upang dalhin sila patungo sa Akin…’

at ikaw, ikaw na nananawagan sa Akin ng: “mga tagapag-libing ay nagtitipon para sa akin, Panginoon, iligtas Mo ako! nais kong talikuran ang paggawa ng kasalanan upang makasama ako sa Iyo ngayon sa piging pangkasalan!” huwag kang mawalan ng pag-asa, ikaw rin ay maliligtas dahil pumapayag kang maligtas; at ang mga tagapag-libing ay palalayasin ng Aking mga anghel; pagkatapos ay maringal kang bubuhatin ng Aking mga anghel sa pamamagitan ng nakasisilaw na puting kumot at habang hawak ito sa apat na sulok ay ililipad ka nila sa langit upang dalhin sa itaas upang gamutin ang iyong mga sugat[6] sa pamamagitan ng makalangit na panghaplas, langis ng mira, mga panghalo at mga losyon;[7] ito ay gagawin upang ikaw ay linisin at gawing dalisay bago ka nila dalhin sa Akin; itong panahon ng paglilinis at paghaplas ay kaugaliang paghahanda para sa nobyang-ikakasal; ang bawa’t nobyang ikakasal ay kinakailangang linisin, sa isang yugto ng panahon, bago siya dalhin ng Aking mga anghel sa Silid Pang-magasawa upang katagpuin ang iyong Nobyo;

sasabayan ka ng Aking mga anghel patungo sa Bungad, at habang ikaw ay nakatayo sa labas ng Silid Pang-magasawa, ay babalik sa iyo ang bahagya ng ala-ala ng iyong nakaraan; noong panahong ikaw ay nagkaroon ng mantsa at naging mapandusta sa Akin; noong panahong ikaw ay hindi pa natitinag ng Aking mga Panawagan kundi’y nag-aalab pa para sa mga kahalingan sa mundong ito; ngayon, sa sandaling ito’y isang bagong-buhay ang naghihintay sa iyo; nakabihis nang napakaringal, nagniningning sa iyong kagandahan, malinis at naka-pabango, ikaw ay handa nang pumasok sa Silid Pang-magasawa upang katagpuin ang iyong Hari; nalulugod sa kagalakan at nanginginig, nanghihina kang lalapit patungo sa kamang Pang-magasawa; bigla mong mamamasdan ang Aking kabanalan; kapag nakita mo ang Aking Banal na Mukha kahit pa ikaw ay natatalukbungan ng belo, ang iyong kaluluwa ay magiging liwanag; …


Panalangin sa Panahon ng Pagdadalisay

Amang Mahabagin, huwag Mo sanang hagupitin ng Iyong poot ang salinlahing ito, upang hindi sila malipol nang lubusan;

Huwag Mo sanang hagupitin ng pagkabahala’t dalamhati ang Iyong kawan, dahil ang tubig ay matutuyo at ang kalikasa’y malalanta; ang lahat ay mamamatay nang dahil sa Iyong poot at walang maiiwang bakas sa kanilang paglisan;

Pagniningasin ang daigdig ng init ng Iyong Hininga, ginagawa itong walang-halaga! Makikita ang isang bituing lilitaw mula sa guhit-tagpuan; Mawawasak ang gabi at mahuhulog ang abong tila niyebe sa taglamig, tinatabunan ang Iyong sambayanan upang matulad sa mga multo;

Kaawaan Mo kami, O Diyos, at huwag Mo kaming husgahan nang marahas; Alalahanin Mo ang mga pusong nagagalak sa Iyo at Ikaw sa kanila!

Alalahanin Mo ang mga tapat sa Iyo at huwag Mong pahihintulutang bumagsak nang may kalakasan ang Iyong Kamay sa amin,

Subalit, sa halip, nang dahil sa Iyong Awa’y iangat Mo kami at ilagay Mo ang Iyong mga tuntunin sa bawat puso. Amen (28 Nobyembre 2009)

Ref.: Katesismo ng Iglesia Katolika • “True Life In God” by Vassula Ryden, translated by True Life In God – Philippines; website - www.tlig.org • Patnubay sa Misa, 09Oktubre 2011, Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taong A.


Pag-aaral Tumugon sa Paanyaya ng Diyos

May plano ang Diyos – planong kaligayahan para sa lahat. Nais Niyang tipuning lahat sa isa lamang mag-anak sa Kanyang makaamang pagmamahal, ang lahat ng Kanyang nilikhang kalarawan Niya. Ang gayong panlahat na maligayang pagtitipon ay malimit na sinasagisag ng isang piging. Iyon ang magiging kaganapan ng Kanyang Kaharian kung saan wala nang kamatayan at mapapahid din ang mga luha ng kasalukuyang paghihirap. (Sangguniin Isa 25:8 at Pah 21:4.)

Ang gayong pangwakas na pagdiriwang ay pangungunahan ng isang panahon ng paghahanda – panahon ng binubuong Kaharian, panahon ng Simbahan. Lahat ay inaanyayahang dumalo sa piging na ito ng Diyos para parangalan ang Kanyang Anak. (Sangguniin ang sipi ng Ebanghelyo ngayon.)

Kapuri-puri ang bukas-palad na Hari sa parabula: nagsugo siya sa mga piling panauhing mapilit niyang pinaanyayahan.

Gayunman, tila di man lamang pinansin ang paanyaya. Ipinagtataka’t ikinalulungkot natin ang kanilang inasal. At di natin sila sukat kaawaan sa marahas nilang naging parusa.

Ang talinghagang ito ay sumasagisag sa tugon ng mga Taong Hinirang ng Diyos sa paanyayang tanggapin at pagpugayan nila ang Mesiyas . . . . Sumasagisag din ito sa tugon ng sangkatauhan. Ang Diyos ay laging bukas-palad at mabait. Ang mga tao ay madalas na walang utang na loob at mapagmataas. Wala rin silang pagpapahalaga sa maraming biyayang kaloob sa kanila ng Panginoon at sa tunay na mahahalaga sa buhay.

Ang parabula sa Ebanghelyo ngayon ay nagtutulak sa ating magtanong at sumagot sa ilang katanungan:

Paano nating tinugon ang paanyaya ng Panginoon para parangalan natin ang Kanyang Anak?

Tulad ba tayo ng mga inanyayahang panauhing may “ibang higit na mahalagang kaabalahan?” (Sangguniin Mt 22:5.)

O, tayo ba’y kabilang sa mga nasa loob na ng bulwagan para sa piging (sa Simbahan), ngunit ang asal nati’y isang tunay na insulto sa dakila’t banal na nag-anyaya kung kaya naging iskandalo pa sa ibang naroroon? (Sangguniin Mt 22:11.)

Ang pagiging kaanib sa Kaharian ay tuwinang kaloob na alangan sa ating di pagiging karapat-dapat. Inaasahan tayo ngayong magpahalaga rito sa pamamagitan ng pamumuhay na angkop sa karangalang ipinagkaloob sa atin ng pag-ibig ng Diyos.

Ref.: p.4, Patnubay sa Misa, 09Oktubre 2011, Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taong A.



[1] Mateo 22:1-14

[2] Hindi ang mga unang inanyayahan.

[3] Ipinaunawa sa aking ng Panginoon na ang taong pumasok nang hindi nakadamit pangkasalan ay siya ring nagsasalita ng hindi mabuti laban sa Nag-anyaya, at sinusubukang hikayatin ang iba na sumanib sa kanya …

[4] Sa sandaling ito’y nagsalita si Jesus na tila ba Siya’y nagsasalita nang mag-isa, kayat tinanggap ko ito bilang isang orakulo.

[5] Kumakatawan sa: mga birtud.

[6] Kumakatawan sa: kasalanan

[7] Naglalarawan sa pagdadalisay.

No comments: