Thursday, October 13, 2011

Ika-29 Linggo sa Karaniwang Panahon, Year A

–— –— –—
“Mga Debotong Katoliko at Mamamayang Tapat”



Ngayong ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon, hinahamon tayo ni Hesus na “ibigay sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.” Ibig sabihin nito’y pagsamahin natin sa isang maayos na katunayan ang mabubuting katangian ng mga tapat na mamamayan at debotong Katoliko.
Ang turo ng Simbahan tungkol sa dalawang aspetong ito ng ating buhay ay tiyak na gabay, ngunit magiging mabunga lamang ito kung ito’y ating isasabuhay. Nawa ang paglahok natin sa pagdiriwang ng Eukaristiyang ito ay maging pagpapatibay sa ating pangakong totoong magsikap para sa kabutihan ng Simbahan at ng ating bayan.
Ang mga Pariseo ang pinakamapilit sa mga kalaban ni Hesus. Ngayon, makikita silang kaanib ng mga kasama ng mga tauhan ni Herodes para hulihin si Hesus sa isang tanong na kanilang patibong. Ngunit sa sagot ni Hesus, sila ay nabigo; sila at tayo man ay pinaaalalahanang tumupad sa ating mga tungkulin sa Diyos at sa bayan.



Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo (Mt 22:15-21). Papuri sa iyo, Panginoon!

Noong panahong iyon, umalis ang mga Pariseo at pinag-uusapan kung paano nila masisilo si Hesus sa kanyang pananalita. Kaya pinapunta nila sa kanya ang ilan sa kanilang mga alagad, kasama ang ilang tauhan ni Herodes. Sinabi nila, “Guro, nalalaman naming kayo’y tapat, at itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng mga tao. Wala kayong pinangingimian sapagkat pareho ang pagtingin ninyo sa tao. Ano po ang palagay ninyo? Naaayon ba sa kautusan na bumuwis sa Cesar, o hindi?”
Ngunit batid ni Hesus ang kanilang masamang layon kaya’t sinabi niya, “Kayong mapagpaimbabaw! Bakit ibig ninyo akong siluin? Akin na ang salaping pambuwis.” At siya’y binigyan nila ng isang denaryo. “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito?” tanong ni Hesus.
“Sa Cesar po,” tugon nila. At sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon! Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo!



Katesismo ng Iglesia Katolika (ccc)

#1898. Ang lahat ng pamayanan ng tao ay nangangailangan ng isang kapangyarihan para mamuno. Ang saligan nito ay ang kalikasan ng tao. Kailangan ito para sa ikapagkakaisa ng lipunan. Ang kanyang misyon ay patatagin hangga’t maaari, ang kabutihang-bayan.

#1899. Ang hinihinging kapangyarihan ng kaayusang moral ay nagmumula sa Dios: “Ang lahat ng tao ay dapat pasasakop sa mga nakatataas na kapangyarihan. Sapagkat walang kapangyarihan na di galing sa Dios, at yaong mga umiiral ay itinatag ng Dios. Kaya ang sumasalangsang sa kapangyarihan ay lumalaban sa kautusang, tatag ng Dios, at yaong mga lumalaban ay tatanggap ng kaparusahan.”



Mula sa “Ang Totoong Buhay Sa Diyos”

Biktima Ng Aking Katawan
At Ng Aking Kaluluwa
Oktubre 21, 1987

Sa araw na itó ay mayroon akong balitang nakapanghihina ng kalooban. Ang Katolikong teologo sa Lyon na labis kong inaasahan ay naging malamig nang malaman niyang hindi ako kabilang sa anumang komunidad. Sinabi niyang nararanasan ko ang Diyos nguni’t hindi niya maunawaan na ang mga pangyayari ay higit pa rito. Nagbibigay ng mensahe ang Diyos para sa ating lahat, para sa mga may kapangyarihan sa simbahan at para rin sa Santo Papa.  Subali’t bakit nga naman siya maniniwala sa akin, hindi man lamang malaman kung saan ako nanggaling, wika nga; tulad ng sinabi ko, kung ako lamang ay kasapi nila ay kaagad sana nila akong tinanggap at sinubukan sana nilang sulyapan ang mensahe. At ito ang sinisikap na ituro sa atin ng Diyos, na hindi tayo magkakaiba, sapagka’t tayong lahat ay nasa ilalim ng iisang kapangyarihan, ang kapangyarihan ng Diyos. Bakit kailangang gumawa ng pagtatangi? Itinatangi maging sa ugalì ng isang tao.  Hindi ako nakasuot ng abito, subali’t mahalaga ba ito, maaari ko bang itanong sa Diyos kung bakit?  Ako ay Kanyang hinirang sa ganitong pagkatao at nais Niyang manatili akong ganito.

Vassula, nararanasan mo rin ang mga naranasan Ko noong Ako ay nagkatawang-tao sa lupa; naaalala mo ba, Vassula, nang tanungin Ako ng mga Pariseo kung sino ang nagbigay sa Akin ng kapangyarihang mangaral?

Opo, Panginoon.

minamahal, ang Aking Mensahe ay nagmumula sa Akin, ang lahat ng kapangyarihan ay magmumula sa Akin, ikaw ay sa Akin, mayroon bang pagkakataong naisulat Kong ang iyong kapangyarihan ay magmumula sa sangkatauhan? Aking munti, ihilig mo ang iyong ulo sa Karunungan,

(Ako ay nabalisa at nalungkot, lumuha at kinailangan kong huminto panandali upang makabawi.)

Aking biktima, pinili kita upang maging biktima ng Aking Puso, ang Matamis na Pagpapahirap sa iyong kaluluwa, biktima ng Aking Katawan at ng Aking Kaluluwa, sa pamamagitan ng mga pagtatatuwâ, mga pagdadalamhati at mga hapis, Vassula, mararanasan mo rin ang Aking buhay dito sa lupa; unti-unti Kong ibibigay ang lahat ng mga ito sa iyo ayon sa kakayahang mabatá ng iyong kaluluwa, mararanasan mo ito at sa katunayan ay hindi ka na nga pinaniniwalaan, pinaratangan ka na, hinamak ka na’t tinanggihan, Vassula marami pa ang darating; subali’t sa kabila ng lahat, ay pinagkalooban naman kita ng mga taong naniniwala sa Aking Mensahe ng Kapayapaan at Pag-ibig, sila ang iyong mga saksi;
hayaan mong ipaalala Ko sa iyo na ikaw rin ay pagtataksilan.[1]
Vassula, minamahal kita, Ako na iyong Panginoon ang iyong tagapag-alalay, sa Akin ka lumapit at magpaaliw; hayaan mong puspusin ka ng Aking Kapayapaan, halika, ang lahat ng kapangyarihan ay nagmumula sa Akin at hindi sa mga tao, ikaw ay kabilang sa ilalim ng Aking Kapangyarihan, na Iisa lamang, Iisang Kapangyarihan.

Diyos ko, salamat po sa Inyong pag-alalay sa akin.  Salamat din po sa mga ibinigay N’yong mga saksi. Hindi na po ako magtataas ng aking tinig, paninindigan ko na lamang ang aking sinabing “gawin N’yo kung anong nais N’yo sa akin, maging kalugud-lugod man o mga dalamhati, ay pasasalamatan ko pa rin Kayo.  Kung nais N’yo akong itapon ito po’y masusunod, kung nais N’yo akong pangkuhin, nababatid kong hindi po ako karapat-dapat. Gawin po Ninyo kung ano ang higit na ninanais ng Inyong Puso. Ako po ay sa Inyo.’

Oo, maging malambot ka upang maiukit Ko sa iyo ng malalim ang Aking mga Salita, lagi mong alalahanin ang Aking Presensiya at ang Aking Pag-ibig;



Panalangin sa Panahon ng Pagdadalisay

Amang Mahabagin, huwag Mo sanang hagupitin ng Iyong poot ang salinlahing ito, upang hindi sila malipol nang lubusan;
Huwag Mo sanang hagupitin ng pagkabahala’t dalamhati ang Iyong kawan, dahil ang tubig ay matutuyo at ang kalikasa’y malalanta; ang lahat ay mamamatay nang dahil sa Iyong poot at walang maiiwang bakas sa kanilang paglisan;
Pagniningasin ang daigdig ng init ng Iyong Hininga, ginagawa itong walang-halaga! Makikita ang isang bituing lilitaw mula sa guhit-tagpuan; Mawawasak ang gabi at mahuhulog ang abong tila niyebe sa taglamig, tinatabunan ang Iyong sambayanan upang matulad sa mga multo;
Kaawaan Mo kami, O Diyos, at huwag Mo kaming husgahan nang marahas; Alalahanin Mo ang mga pusong nagagalak sa Iyo at Ikaw sa kanila!
Alalahanin Mo ang mga tapat sa Iyo at huwag Mong pahihintulutang bumagsak nang may kalakasan ang Iyong Kamay sa amin,
Subalit, sa halip, nang dahil sa Iyong Awa’y iangat Mo kami at ilagay Mo ang Iyong mga tuntunin sa bawat puso. Amen                                      (28 Nobyembre 2009)


Ref.: Katesismo ng Iglesia Katolika • “True Life In God” by Vassula Ryden, translated by True Life In God – Philippines; website - www.tlig.org • Patnubay sa Misa, 16 Oktubre 2011, Ika-29 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taong A.




Pagsasanay sa Pakikilahok


Kung ilang siglo nang nakatuon ang mga Kristiyano sa “pagbibigay sa Diyos ng sa Diyos.” Nangunguna sa pagpapahalaga rito, gayon din sa pag-iiksamen sa kanilang konsiyensiya, ang pagtupad sa mga tungkuling panrelihiyon. Sa kanila rin nanggaling ang batayang kikilala kung sila’y tapat na Katoliko o hindi.
“Ibigay sa Cesar ang sa Cesar” ay karaniwang ipinakahulugang pagbabayad ng buwis at pagsunod sa mga batas ng bayan na ipinahayag ng marapat na nanunungkulan. Ang katarungan at pagsunod sa marapat na kapangyarihan ay dalawa lamang aspeto ng ating mga tungkuling pambayan. Mahalaga’t mahirap man ang dalawang ito, may iba pang mga paraan na inaasahan sa ating pagtulong sa pagpapairal ng isang higit na makatao’t makatarungang lipunan.
Mahaba ang listahan: pag-ibig sa bayan at pangkulturang pagpapahalaga nito, malasakit sa kapaligiran, katapatan, mabuting halimbawa, mga mungkahing pantulong, pag-iwas sa aksaya, pagsisikap, pagturing sa buong bansa bilang “pinalawak nating pamilya”.… Ilan lamang ito sa mga paraan ng “pagbibigay sa Cesar ng sa Cesar” – ilang aspeto ng pagiging “mabuting mamamayan” ngayon.
Higit ding malawak ang saklaw ngayon ng katawagang “mabuting mamamayan” kaysa noong araw. Ibig sabihin nito’y pagiging masigla’t responsable sa pamilya ng mga bansang bumubuo sa sangkatauhan – nagpapahalaga sa mga pag-asa, mithiin, at kahirapan ng bawat nilalang at lipunan.
Dapat nating iwan ang ating sari-sariling “pugad” at makilahok nang lalong malawakan. Dapat tayong matutong managot para sa daigdig sa lahat nitong aspeto sapagkat ito’y sa atin – ang daigdig na ipinagkatiwala ng Diyos sa ating pangangalaga upang gawin natin itong “halimbawang balangkas ng Kaharian.”
Di lamang pinagtibay itong “bagong oryentasyon” ng Vatican II at mga kasunod na pahayag ng turo ng Simbahan, kundi higit pa itong nililinaw. Ipinahayag nilang tiyak na tungkulin ng laikong Katoliko na maging kabahagi’t kalahok – at sa katunayan pa nga’y manguna – sa pagpapairal ng lalong mabuting daigdig. Ito ang kanilang misyon. Sa pagtupad sa gayong “misyon sa daigdig,” makatutulong sila sa pagsapit ng Kaharian ng Diyos dito sa lupa, at sa gayo’y magtamo ng kanilang sariling kabanalan.
Walang maaaring maging mabuting Kristiyano nang di nagsisikap maging mabuting mamamayan ng kanyang bayan at ng “pamilya ng mga bansa.” Tayo’y dapat na maging lubos na kalahok. Tungkulin natin ito sa ating sarili, sa lipunan, sa Simbahan. Makapagsisimula tayong “magbigay sa Diyos ng sa Diyos” sa pamamagitan lamang ng “pagbibigay sa Cesar ng sa Cesear.”


Ref.: p.4,  Patnubay sa Misa, 16 Oktubre 2011, Ika-29 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taong A.



[1] Ng isa?

No comments: