Thursday, November 10, 2011

Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taong A

–— –— –—
“Mga Tagapamahala sa mga Biyaya ng Diyos”
 
Lubos na bukas-palad ang Diyos sa Kanyang mga nilikha, lalo na sa ating mga tao. Pinuspos Niya tayo ng mga kaloob na materyal, pisikal, intelektwal, emosyonal, at espiritwal. Ang kaligayahan sa mga ipinagkaloob sa atin ng Panginoon ay nasa wastong paggamit natin sa Kanyang mga biyaya at pagpapahalaga sa ating mga pagkakataon.
Ang mga kaloob ng Diyos ay tulad ng mga binhing sagana sa mga potensyal. Nasa atin ang pagtuklas sa ganitong mga potensyal at gawing mabunga ang mga ito sa pamamagitan ng ating pagkamalikhain, katapatan sa pananagutan, at Kristiyanong pagmamahal. Sa wakas ng ating buhay, hihingin sa atin ang pagsusulit sa mga ipinagkaloob sa atin. Sa araw na iyon, mapalad kung maipakikita nating napagbunga nga natin ang mga gayong potensyal. Ialay natin ang Eukaristiyang ito bilang pasasalamat sa mga kaloob na ating tinanggap sa Panginoon at sa biyayang nagamit natin ang mga ito nang kalugud-lugod sa Kanya.
Ang Ebanghelyo ngayon, na kilala sa tawag na “Talinghaga tungkol sa mga Aliping Pinagkatiwalaan ng Salapi,” ay nagbibigay diin na kailangan ang pagiging masigasig at responsable. Ganito ang praktikal na paghahanda para sa “pagbabalik ng Panginoon” na pagsusulitan nating lahat.
 

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo (Mt 25:14-30). Papuri sa iyo, Panginoon!

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito:
“Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad dito: May isang taong maglalakbay, kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. Binigyan niya ng salapi ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang kakayahan: binigyan niya ang isa ng limanlibong piso, ang isa nama’y dalawanlibong piso, at ang isa pa’y sanlibong piso. Pagkatapos, siya’y umalis.
Humayo agad ang tumanggap ng P5,000 at ipinangalakal iyon. At nagtubo siya ng P5,000. Gayon din naman, ang tumanggap ng P2,000 ay nagtubo ng P2,000. Ngunit ang tumanggap ng P1,000 ay humukay sa lupa at itinago ang salapi ng kanyang panginoon.
Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga aliping iyon at pinapagsulit sila. Lumapit ang tumanggap ng P5,000. Wika niya: ‘Panginoon, heto po ang P5,000 na bigay ninyo sa akin. Heto pa po ang P5,000 na tinubo ko.’ Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Yamang naging tapat ka sa kaunting halaga, pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!’ Lumapit din ang tumanggap ng P2,000, at ang sabi, ‘Panginoon, heto po ang ibinigay ninyong P2,000. Heto naman po ang P2,000 tinubo ko.’ Sinabi ng kanyang panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!’
At lumapit naman ang tumanggap ng P1,000. ‘Alam ko pong kayo’y mahigpit,’ aniya. ‘Gumagapas kayo sa hindi ninyo tinamnan, at nag-aani sa hindi ninyo hinasikan. Natakot po ako, kaya’t ibinaon ko sa lupa ang inyong salapi. Heto na po ang P1,000 ninyo.’ ‘Masama at tamad na alipin!’ tugon ng kanyang panginoon. ‘Alam mo palang gumagapas ako sa hindi ko tinamnan at nag-aani sa hindi ko hinasikan! Bakit hindi mo iyan inilagak sa bangko, di sana’y may nakuha akong tubo ngayon? Kunin ninyo sa kanya ang P1,000 at ibigay sa may P10,000. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Itapon ninyo sa kadiliman sa labas ang aliping walang kabuluhan. Doo’y tatangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon! Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo!
 

Katesismo ng Iglesia Katolika (ccc)

#546. Nananawagan si Jesus na pumasok sa Kaharian sa paraan ng mga talinghaga, ang natatanging uri ng kanyang pagtuturo. Sa pamamagitan ng mga ito nag-aanyaya siya sa piging ng Kaharian subalit hinihingi rin upang matamo ang Kaharian, ang lubusang paglilingkod. Hindi sapat ang mga salita, kailangan ang mga gawa. Ang mga talinghaga ay mistulang salamin para sa tao: tinatanggap ba ang salita bilang lupang matigas o mabuting lupa? Ano ang ginagawa sa mga talentong tinanggap? Si Jesus at ang pag-iral ng Kaharian sa sanlibutan ay nakatago sa puso ng mga talinghaga. Kailangang pumasok sa Kaharian, maging alagad ni Cristo, upang makilala ang mga misterio ng Kaharian ng langit. Para sa mga nasa labas, ang pagtuturo ng mga talinghaga ay mahiwaga.

#1880. Ang isang samahan ay isang pagsasama ng mga taong magkasangkot sa isang paraang organiko, sa atas ng simulain ng kaisahan na humihikayat sa bawat isa sa mga iyon. Bilang pagtitipong bisible at espiritual, ang samahan ay nananatili sa panahon: tinitipon ang nakaraan at inihahanda naman ang haharapin. Sa pamamagitan niyon, ang bawat tao ay ginagawang “tagapagmana”, tumatanggap ng mga “talento” na nagpapayaman sa kanyang pagkatao na dapat pagyamanin. Sa katunayan, dapat ipaliwanag na ang bawat isa ay may tungkulin sa mga pamayanan na kinaaniban at dapat igalang ang mga maykapangyarihang mag-aalaga ng kabutihang-madla.

#1937. Ang ganitong mga pagkakaiba-iba ay nakalaan sa plano ng Dios, na nais niyang ang bawat isa ay tumanggap ng kanyang kailangan at iyong mga “talento” na partikular ay bahaginan ng mga biyaya ang mga nangangailangan. Sa mga pagkakaiba-iba, ang mga tao ay sumisigla at malimit ginaganyak ang mga persona na magpakita sa iba ng dakilang kalooban, magandang pakikitungo at pakikpag-ugnayan. Hinihikayat ang mga kultura upang magpa-unlad sa isa’t isa:
Hindi ibinibigay ang lahat ng kabanalan nang pantay-pantay sa bawat isa … marami ang mga pinagkakalooban ko sa iba’t ibang paraan, ito para dito, iyon para sa iba, sa isa pag-ibig, sa ikalawa katarungan … sa isa ay kababaang-loob, sa ikalawa, ang buhay na pananampalataya… Tungkol naman sa mga biyayang material ang mga biyaya na kailanga para sa buhay ng tao ay ipagkaloob ko nang lalong di pantay-pantay. Hindi ko niloob na ang bawat isa ay magkaroon ng lahat ng kailangan, upang ang mga tao ay sapilitan, na magkawanggawa sa iba… Niloob kong ang ilang ay mangailangan ng iba at maging tagapaglingkod ko sa pagbibigay sa mga biaya at mga pagpapala na dulot ko.
   

Mula sa “Ang Totoong Buhay Sa Diyos”

May0 5, 2001

…makinig ka! naging higit na mahalaga ba kailanman ang araw sa kanyang karilagan o ang kaningningan ng buwan kaysa Aking Pag-ibig para sa iyo? nang dahil sa Ngalan Ko at nang dahil sa Pag-ibig Ko para sa iyo, ipinahayag Ko ang Aking Sarili sa inyong lahat; dinalaw kita sa iyong silid sa pamamagitan ng Aking Kabanal-banalang Presensya; kung minsa’y dumarating Ako bilang isang mabangong mira, sa ibang pagkakataon nama’y umiikot-ikot Ako bilang usok ng insenso, pinababango ko at ang iyong silid; hindi ba’t lumitaw din Ako bilang isang sinag ng liwanag sa iyong puso? ang Aking maluwalhating Presensya ay nasa lahat ng dako; pinupuno Ko ng Aking Pag-ibig ang daigdig, at ilang ulit Ko nang iniwan ang Aking Trono, upang yumuko sa iyo, palihim na umiihip ng halik sa iyo? halina, kayong lahat na naghahangad ng disiplina, halina at pag-aralan ninyong ipagbuniy Ako di lamang sa pamamagitan ng mga salita, kundi sa pamamagitan din ng mabubuting gawa nang dahil sa pag-ibig; hayaang magpahayag ang iyong dila ng ukol sa Akin, sa Aking Kabanalan, sa Kanya na Siyang Simula at Katapusan, sa Kanya na iyong naging ama, sa Kanya na Siyang nagpaganda sa iyo at ginawa kang isang katedral; huwag mong ipagkait sa Akin ang kaligayahang ito;
magiliw kitang pinahintulutang lumago sa Aking Tahanan; kaya’t magkintal ka ng kaligayahan at kagalakan sa Akin sa pamamagitan ng pagdarasal ng ‘Ama Namin’ sa pamamaraang itinuro ng Aking Ama sa Aking anak; huwag kang tumulad sa mga bungong nag-kalat sa pangitain ni Ezekiel, kundi’y mapuno ka ng kaluwalhatian ng Aking Espiritu Santo na ipinagkaloob Ko sa Aking mga alagad at lumago kang ginagamit ito at hindi naglalaho dahil sa hindi paggamit nito, kailanma’y hindi tumitigil sa pagtawag sa Ngalan Kou pang muling buhayin ang iyong katapatan at upang ikintal sa iyo ang Aking nakapagpapasiglang sustansya;
narinig mo na ba ang talinghaga tungkol sa mga aliping pinagkatiwalaan ng salapi?[1] hindi ba ninyo nahalata kung paanong tinatawag kayong lahat ng Aking Tahanan[2] upang payamanin ang Kanyang Tahanan? hindi ba ninyo nababatid na ito ay panahon ng pagsusulit at pagpapatunay ng inyong katapatan?
pinagkakalooban Ko kayong lahat ng mga grasyang nagpapabanal sa mga pinabanal na mga panahong ito; kapwa nakatanggap ang mga dukha’t mayayaman; walang sinuman Akong pinagkaitan; subali’t ngayo’y tinatawag kayo ng May-ari ng Tahanan upang mapatunayan ang inyong katapatan sa Kanya, upang masabi Niya sa inyong: “magaling, tapat at mabuting kaluluwa, yamang naging tapat ka sa kaunting halaga, pamamahalain ka sa malaking halaga; makihati ka sa Kagalakan ng iyong Amo!”
huwag mong bibiguin ang iyong Amo upang mapilitan Siyang sabihin sa iyong: “anong ginawa mo para sa Akin? wala Akong nakitang anumang mabuting ginawa mo;” magiging mabuti ka rin kung magsisisi kang tunay at bubuksan mo ang iyong puso sa Akin nang mabuhusan kita ng nakapagpapagaling na pamahid; huwag mong putulin ang pakikipag-ugnayan mo sa Akin, pahintulutan mo Akong punuin ng Aking Presensya ang iyong isip nang mapasaiyo ang Aking Pamana; puspusin mo Ako ng kaligayahan upang lumaki kang matangkad at matibay na tulad ng toreng garing;
samakatuwid, huwag kang magugulat kapag sinabi Kong: “papanaog Ako sa lambak upang tignan kung ang Aking mga ubas ay namumunga at kung ang kanilang mga bunga ay namumukadkad;” bakit ang ilan sa inyo ay natatakot sa Aking pagtatanong? Hindi kaya ikaw, marahil, makaharing Tahanan Ko ay naghahabol sa hangin?[3] dahil kung gayun nga’y magiging hangin ka nga; Ako ay tapat sa kadakilaan ng Aking Awa at sa pagliligtas sa iyo mula sa iyong nakapapasong pagtatakwil, Aking anak,[4] isinugo Ko na at patuloy Kong isinusugo nang walang-humpay ang Espiritu Santo upang pabanalin ka, pinagkakaisa ka sa Akin; …
  

Panalangin sa Panahon ng Pagdadalisay

Amang Mahabagin, huwag Mo sanang hagupitin ng Iyong poot ang salinlahing ito, upang hindi sila malipol nang lubusan;
Huwag Mo sanang hagupitin ng pagkabahala’t dalamhati ang Iyong kawan, dahil ang tubig ay matutuyo at ang kalikasa’y malalanta; ang lahat ay mamamatay nang dahil sa Iyong poot at walang maiiwang bakas sa kanilang paglisan;
Pagniningasin ang daigdig ng init ng Iyong Hininga, ginagawa itong walang-halaga! Makikita ang isang bituing lilitaw mula sa guhit-tagpuan; Mawawasak ang gabi at mahuhulog ang abong tila niyebe sa taglamig, tinatabunan ang Iyong sambayanan upang matulad sa mga multo;
Kaawaan Mo kami, O Diyos, at huwag Mo kaming husgahan nang marahas; Alalahanin Mo ang mga pusong nagagalak sa Iyo at Ikaw sa kanila!
Alalahanin Mo ang mga tapat sa Iyo at huwag Mong pahihintulutang bumagsak nang may kalakasan ang Iyong Kamay sa amin,
Subalit, sa halip, nang dahil sa Iyong Awa’y iangat Mo kami at ilagay Mo ang Iyong mga tuntunin sa bawat puso. Amen                                                       
(28 Nobyembre 2009)
 


Ref.: Katesismo ng Iglesia Katolika • “True Life In God” by Vassula Ryden, translated by True Life In God – Philippines; website - www.tlig.org • Patnubay sa Misa, 13Nobyembre 2011, Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taong A.


Pagpapahalaga sa mga Kaloob ng Diyos

Lahat ng kaloob ng Diyos ay maganda at mahalaga. Napakarami ng mga ito’t higit sa kaya nating bilangin, sapagkat totoong bukas-palad ang Diyos sa labis-labis Niyang pagbibigay-biyaya sa atin.
Sa ganang atin, una nating tungkulin ang kilalanin natin ang mga ito. Pagtatakwil o pagkukubli natin sa mga ito ay hindi kababaangloob, kundi moral na pagkabulag.
Sa kabilang dako, sa sandaling mamalayan natin ang mga kaloob sa atin ng Panginoon, di natin ito dapat ipagmalaki, na para bang ito’y dahil sa ating sarili, at di rin dapat nating ipagpalagay na ang mga ito’y “utang” sa atin ng Diyos. Ang wastong saloobin sa mga biyaya ng Panginoon ay tulad ng kay Maria, na makikita nating magandang ipinahahayag sa pambungad ng kanyang “Awit ng Pagpupuri”: tapat at taos-pusong pagpapahalaga’t pasasalamat sa ganitong mga biyaya bilang tanda ng pag-ibig ng Diyos sa atin. (Sangguniin Lu 1:46-49.)
Ngunit bukod sa pagkilalang ang mga ito’y buhat sa Panginoon, dapat din nating gamitin ang mga biyayang ito alinsunod sa Kanyang kalooban – anupa’t nang buong husay. Tatanungin tayo ng Diyos – na tunay na bukas-palad at nagtitiwala – kung paano natin ginamit ang Kanyang mga biyaya.
Ang ipagsusulit natin ay hindi ano mang malaking halaga ng salaping ipinaubaya Niya sa ating kasipagan. Di lamang kung paano natin ginamit ang ating mga biyayang pisikal, intelektwal, at espiritwal, gayundin ang marami nating pagkakataong gumawa ng kabutihan sa ating kapwa. Ang pinakamahalaga nating ipagsusulit ay ang ating sarili, na siyang pangunahin at pinakamahalagang kaloob ng Diyos sa atin. Ibig sabihi’y pananagutan natin di lamang kung ano ang ginawa natin sa iba, kundi kung ano ang ginawa natin sa ating sarili.
Ipinunla ng Diyos sa bawat isa sa atin ang potensyal nating maging isang santo, isang buhay na halimbawa at kasangkapan ng Kanyang mapagligtas at nakapagpapabanal na pagmamahal. Ang mahalagang katanungan ay lagi nang, “Nagsikap ba tayong magpakabanal?” Isang positibong sagot lamang ang ikatatanggap natin sa paanyayang, “Makihati ka sa aking kagalakan!” (Mt 25:21).
  


Ref.: p.4,  Patnubay sa Misa, 13 Nobyembre 2011, Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taong A.


[1]  Mateo 25:14-30.
[2]  Kasabay kong narinig: “hindi ba ninyo nahalata kung paanong tinawag kayong lahat ng May-ari o Amo ng Tahanan…”
[3] Naunawaan kong ang ibig sabihin ng “hangin” ay “karangyaan”.
[4] Nakikipag-usap si Jesus sa lahat.

No comments: