Thursday, November 10, 2011

Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taong A


–— –— –—
“Pinagpala ang mga Handa sa Pagsalubong sa Panginoon!”

Habang patuloy nating ginugunita ang ating mga yumao sa buwang ito ng Nobyembre, buong pagmamahal at pagdarasal natin silang idinudulog sa habag ng Panginoon. Gayundin, huwag din sana nating limutin na sa oras na tanging ang Panginoon lamang ang nakaaalam, makakatagpo rin natin nang harapan ang Panginoon para ipagsulit natin kung paano tayong nagmahal. Iyon ang pinakamahalagang saglit sa ating buhay sapagkat nakasalalay roon ang ating kasakaligayahan o kalungkutan magpakailanman. Marapat tandaan natin itong mabuti at paghandaan ang gayong napakahalagang pakikipagtagpo sa Panginoon.
Sa Eukaristiya natin ngayon, hilingin natin ang biyayang maging laging handa sa pagsalubong sa Kanya nang may mga maalab na sulo ng buhay ng tapat na paglilingkod sa Kanya. Saka Niya tayo aanyayahang tumuloy na kasama Niya sa piging ng buhay na walang hanggan.
Sa ating Ebanghelyo ngayon ay malimit na pinaalalahanan ni Hesus ang kanyang mga disipulong maging handang magsulit sa kanilang mga buhay. Binibigyang diin ang kanyang pagpapahalaga sa kahandaan sa sipi ngayong kilala sa tawag na “Parabula ng Sampung Dalaga.”
 


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo (Mt 25:1-13). Papuri sa iyo, Panginoon!

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Dito maitutulad ang pagpasok sa kaharian ng Diyos: may sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawat isa’y may dalang ilawan. Ang lima sa kanila’y hangal at ang lima’y matalino. Ang mga hangal ay nagdala ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagbaon ng langis. Subalit ang matatalino’y nagdala ng langis bukod pa sa nasa kanilang ilawan.
Nabalam ng dating ang lalaking ikakasal, kaya’t inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na’y may sumigaw: ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Salubungin ninyo!’ Agad nagbangon ang sampung dalaga at inayos ang kanilang ilawan. Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan naman ninyo kami ng kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan, e.’ ‘Baka hindi magkasiya ito sa ating lahat,’ tugon ng matatalino. ‘Mabuti pa’y pumunta muna kayo sa nagtitinda at bumili ng para sa inyo.’
Kaya’t lumakad ang limang hangal na dalaga. Samantalang bumibili sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at ipininid ang pinto. Pagkatapos, dumating naman ang limang hangal na dalaga. ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami!’ sigaw nila. Ngunit tumugon siya, ‘Sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo nakikilala.’
Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon! Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo!

 

Katesismo ng Iglesia Katolika (ccc)

#672. Bago siya umakyat sa langit, pinagtibay ni Cristo na di pa panahon (upang itatag ang maluwalhating kahariang Mesianiko na hinahangad ng Israel na ayon sa mga propeta ay aakitin ang lahat ng tao sa larangan ng katuwiran, pag-ibig at kapayapaan. Ang kasalukuyang panahon, ayon sa Panginoon, ay ang panahon ng Espiritu at ang pagsasaksi, subalit panahon ay di ng kalumbayan at pagsubok sa masama na kinasasangkutan ng Iglesia at pinasisimulan ng mga labanan sa mga huling araw. Panahon ng paghihintay at ng pagtatanod.

#2849. Ang ganitong pakikihamok at ang ganitong tagumpay ay maaaring mangyari sa pamamagitan ng pagdarasal. Sa panalangin ay naigupo ni Jesus ang manunukso, maging sa simula ng kanyang hayag na misyon at sa huling pakikibaka sa kanyang pagpapasakit. Sa panalanging ito sa ating Amang nasa langit, tayo ay iniuugnay ni Jesus sa kanyang pakikihamok at pagpapakasakit. Hinihimok niya tayo upang maging mapagbantay sa ating mga puso na kaagapay ng kanyang puso. Ang pagbabantay ay “ang pangangalaga ng puso”, at ipinanalangin ni Jesus sa kanyang Ama: “Pangalagaan mo sila sa iyong pangalan”. Palagian tayong pinupukaw ng Espiritu Santo upang magbantay. Sa kahuli-hulihan, ang panalanging ito ay nagkakaroon ng maladulang kahulugan na may kaugnayan sa pinakahuling tukso sa ating makalupang pakikihamok: hinihiling nito ang pananagumpay hanggang wakas. “Ako ay darating na parang isang magnanakaw! Mapalad siyang nananatiling gising”.

#2742. “Laging manalangin… sa lahat ng sandali at para sa lahat ng bagay ay magpasalamat sa ngalan ng Panginoong Jesus sa Amang Dios”. At dagdag pa ni San Pablo, “Manalangin sa lahat ng sandali sa Espiritu, lahat ng kahilingan at panalangin. Sa layuning ito ay maging handa na may pagtitiyaga at ipagdasal ng lahat ng mga banal”. Sapagkat “ang iniuutos sa atin ay hindi ang walang tigil na paggawa o pagbabantay o pag-aayuno kundi na tayo ay manalangin ng walang humpay”. Tanging sa pag-ibig lamang magbubuhat ang ganitong walang pagod na kasidhian. Laban sa ating katawan at kamang-mangan, ang pakikibaka ng panalangin ay ang kapakumbabaan, pananalig at walang humpay na pag-ibig. Ang pag-ibig na ito ay nagpapakilala sa ating puso ng tatlong katotohanang nagbibigay liwanag at buhay sa panalangin.
 


Mula sa “Ang Totoong Buhay Sa Diyos”

Dapat Maging Gising At Manalangin Nang Walang Humpay
Enero 19, 1990

Sumaiyo ang Kapayapaan.
Pagnilayan mo ang misteryo ng Aking Presensia. O Vassula, napakaraming mga tukso sa mundo kaya’t hindi maaaring matulog ang mga kaluluwa kahit na isang saglit, dapat silang maging gising at manalangin nang walang-humpay. Ang mga tuksong ito ay nagmumula sa halos wala, ang mga patibong na ginagamit ni Satanas ay labis na mapanlinlang, kaya’t ang kanilang mga kaluluwa ay biglang nahuhulog nang halos walang kamalay-malay na sila ay bumagsak na! Subali’t kung ang mga kaluluwa ay nakinig lamang sa Akin, at sila ay magdarasal nang higit na madalas, at dadamhin nila ang Aking Presensia nang higit na madalas, nakikipag-usap sa Akin bilang kanilang Kasama, o magdarasal sa Akin bilang kanilang Ama, ay higit sana nilang mamamalayan ang mga patibong na ito. Pinalalayo ang diyablo ng tuluy-tuloy na panalangin at higit na pinalalapit ang kanilang mga kaluluwa sa Akin.
Halina, purihin mo Ako nang madalas, anak, niluluwalhati Ako nito at ito’y ikinagagalak Ko rin. Bigkasin mo ang mga sumusunod na salita:

Luwalhati sa Diyos na Kataas-taasan
Purihin ang Ngalan Niya,

sa pamamagitan lamang ng mga salitang ito, Ako’y naluluwalhati na. Pagkatapos ay bigkasin mo ang mga ito:

Jesús ko, Ikaw na nagmagandang-loob sa akin,
Pinupuri kita.

Halina, pinagagalak Ako ng mga katagang ito. Tayo, natin?

Opo, Panginoon.

Tayo, natin?

Opo, Banal na Ina.

Ikaw ang Aking bulaklak.
 


Panalangin sa Panahon ng Pagdadalisay

Amang Mahabagin, huwag Mo sanang hagupitin ng Iyong poot ang salinlahing ito, upang hindi sila malipol nang lubusan;
Huwag Mo sanang hagupitin ng pagkabahala’t dalamhati ang Iyong kawan, dahil ang tubig ay matutuyo at ang kalikasa’y malalanta; ang lahat ay mamamatay nang dahil sa Iyong poot at walang maiiwang bakas sa kanilang paglisan;
Pagniningasin ang daigdig ng init ng Iyong Hininga, ginagawa itong walang-halaga! Makikita ang isang bituing lilitaw mula sa guhit-tagpuan; Mawawasak ang gabi at mahuhulog ang abong tila niyebe sa taglamig, tinatabunan ang Iyong sambayanan upang matulad sa mga multo;
Kaawaan Mo kami, O Diyos, at huwag Mo kaming husgahan nang marahas; Alalahanin Mo ang mga pusong nagagalak sa Iyo at Ikaw sa kanila!
Alalahanin Mo ang mga tapat sa Iyo at huwag Mong pahihintulutang bumagsak nang may kalakasan ang Iyong Kamay sa amin,
Subalit, sa halip, nang dahil sa Iyong Awa’y iangat Mo kami at ilagay Mo ang Iyong mga tuntunin sa bawat puso. Amen                                                       
(28 Nobyembre 2009)




Ref.: Katesismo ng Iglesia Katolika • “True Life In God” by Vassula Ryden, translated by True Life In God – Philippines; website - www.tlig.org • Patnubay sa Misa, 06 Nobyembre 2011, Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taong A.
 


Mga Hangal at mga Taong Matalino

Di natin kayang mga Katoliko ang magliwaliw sa ating buhay na tulad ng mga walang matatayog na mithiin o walang pananampalataya. Di tayo dapat tumulad sa mga nagpapakalunod sa kanilang mga pang-araw-araw na gawain, na para bang trabaho, pakinabang, at kasiyahan lamang ang pinakamahalaga sa buhay.
Tayong mga Katoliko ay dapat na maging “mga taong umaasa” – mga taong may mahalagang pinananabikan: ang pakikipagtagpo kay Hesukristo, na ating Panginoon at Tagapagligtas. Nangako siya: “Kapag naroroon na ako at naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, babalik ako at isasama ko kayo sa kinaroroonan ko” (Jn 14:3). Binalaan din niya ang kanyang mga disipulo at tayo na siya’y darating sa oras na di natin inaasahan. (Sangguniin Mt 24:43 at 25:13.) Kaya nga, dapat tayong maging handa, sa maligayang paghihintay.
Ang mga Judio man ay dapat na naging “mga taong umaasa” rin. Kung ilang siglo nilang pinanabikan ang pagdating ng Mesiyas. Ngunit nang sa wakas, siya’y dumating, iilan lamang ang handang tumanggap sa kanya. Marami ang umasal na tulad ng mga dalagang hangal sa Ebanghelyo ngayon.
Kaya, nakaligtaan ng mga Taong Hinirang ang pinakadakila nilang pagkakataon sa kasaysayan – ang tipanan nila ng pinakahihintay nilang Mesiyas. Nagkulang sa langis ng karunungan ang kanilang mga ilawan. Iba ang kanilang mga ikinilos sa kanilang pananampalataya at pag-asa.
Ito ang dalawang katangiang dapat na pahalagahan nating lahat. Ang paghihintay natin sa Panginoon ay dapat na maging buong pananabik, matalino, mabunga, at udyok ng matibay na pananampalataya, at tinatampukan ng maraming mabubuting gawa. Habang tila naaantala ang kanyang pagdating, lalo tayong dapat magsikap na maging karapat-dapat sa kanya, sa pamamagitan ng pagiging “mga anak ng liwanag,” at patuloy sa paggawa ng mabuti.
Kung gayon ang ating disposisyon, di natin mamasamaing maghintay, gaya ng di natin pag-alintanang iwan ang lahat sa pagsama natin kay Hesus sa kanyang pagdating. Ang “paghihintay” at ang “pagsama” ay kapwa mahalagang yugtong naghahanda sa atin para sa yugtong pangwakas: pagiging kaisa Niya magpakailanman sa piging pangkasalang walang hanggan sa langit.

 



Ref.: p.4,  Patnubay sa Misa, 06 Nobyembre 2011, Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taong A.



No comments: