Thursday, November 10, 2011

Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taong A


–— –— –—
“Isang Hamong Higit sa Pribilehiyo”
Linggo ng Kamalayan sa mga bilanggo

Ngayon ang huling Linggo ng Oktubre, na buwan ng Santo Rosaryo, buwan ng mga Misyon. Pinasasalamatan natin ang Panginoon sa kanyang mga biyayang ipinagkaloob sa atin sa buwang ito na malapit nang matapos. Sa gabay ng nilalaman ng Ebanghelyo, nagtutuon-pansin tayo sa papel na ginagampanan ng mga pinuno nating panrelihiyon, pambayan at pampamayanan, at sa tungkulin nating sila’y ipagdasal. Kailangan natin ang mga pinunong namumuno sa tulong ng kanilang halimbawa, mga taong tapat at mababa ang loob, mga pinunong may higit na malasakit sa mga tao kaysa kanilang sarili.
Malapit nang umabot sa sukdulan ang paghaharap ni Hesus at ng kanyang mga kalaban. Sa kanyang mariing pagpuna sa kanilang mga pagkukulang, binabalaan ni Hesus ang kanyang mga disipulong huwag silang tumulad sa masamang halimbawa ng maraming eskriba at Pariseo.
Ngayon ay Linggo rin ng Kamalayan sa mga Bilanggo sa Pilipinas. Tumutukoy ito sa mga taong malimit nating nalilimutan at marahil ay ayaw nating alalahanin. Gayunman, sila’y mga kapatid nating tulad ng iba’y nangangailangan ng ating habag, pang-unawa, at dasal. Sa pagdiriwang ng Eukaristiyang ito, alalahanin natin sila at ang kanilang mga maganak, at lahat ng naglilingkod sa mga bilanggo.

 

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo (Mt 23:1-12). Papuri sa iyo, Panginoon!

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, “Ang mga eskriba at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya’t gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos. Ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang gawa, sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinangangaral.
Nagbibigkis sila ng mabibigat na dalahin at ipinapasan sa mga tao; ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang kanilang mga pilakterya at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Ang ibig nila’y ang mga upuang pandangal sa mga piging at ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga. Ang ibig nila’y pagpugayan sila sa mga liwasang-bayan, at tawaging guro.
Ngunit kayo – huwag kayong patawag na guro, sapagkat iisa ang inyong Guro, at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong Tagapagturo, ang Mesiyas. Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo.
Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon! Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo!

 

Katesismo ng Iglesia Katolika (ccc)

#2235. Ang mga humahawak ng kapangyarihan ay dapat tuparin ito bilang paglilingkod. “Ang sino mang ibig maging dakila sa inyo, ay maging utusan ninyo. Ang paggawad ng kapangyarihan ay sakop ng kautusan ng Dios batay sa pinagmulan nito, sa likas na katangian at tanging layunin. Walang makapag-uutos o mag-aatas ng labag sa karangalan ng mga tao at sa batas natural.
 


Mula sa “Ang Totoong Buhay Sa Diyos”

Setyembre 10, 1990

…Ipaaalala Ko sa Aking mga pastol ang mga salitang “pamumuno at paglilingkod”; ipag-uutos Ko sa kanilang hindi dapat sila tumulad sa mga dakilang tao, na pinararamdam ang kanilang awtoridad sa mga mahihirap; hindi, ang sinumang nais na maging dakila sa mga mahihirap ay dapat maging tagapaglingkod nila, at ang sinumang nais na maging una sa kanila ay dapat na maging pinaka-walang halaga, tulad nang Ako’y bumaba sa daigdig upang maglingkod at hindi paglingkuran, at upang ibigay ang Aking Buhay bilang pang-tubos para sa marami;
- at ikaw, munting anak, huwag kang matakot sa Akin;[1] pananatilihin Ko ang Aking Liwanag sa loob mo, magpasawalang-hanggan! ipagdasal mo ang kaligtasan at ang pagbabalik-loob ng inyong panahon;
binabasbasan kita; purihin mo Ako at mahalin mo Ako;…


Disyembre 25, 1990

…ipagdasal ninyo ang mga tumatawag sa kanilang mga sariling duktor ng Batas, na ang kanilang mga espiritu ay maging mapagpakumbaba at dukha; ipagdasal ninyong ang lahat ng mga bansa ay lumapit sa Aking Liwanag at ang paghihiganting lumalamon sa kanilang mga puso ay mapilas mula sa kanilang mga puso upang mabalot Ko ng Aking Kapayapaan ang kanilang mga puso; ipagdasal ninyong makipagkasundo ang silangan sa kanluran at ang hilaga sa timog; ipagdasal ninyong itong labis-labis na kayabangan at pagmamataas na lumulupig sa ibang mga pastol Ko ay mapalitan ng kababaang-loob; ipagdasal ninyong maunawaan nila ang ibig Kong sabihin sa: “Ang sinuman sa inyong nais na maging dakila ay dapat na maging tagapaglingkod ninyo; at ang sinuman sa inyong nais na maging una ay dapat na maging alipin ninyo; oo, tulad ng Anak ng Tao na isinilang hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang ialay ang Kanyang buhay bilang pantubos para sa marami;”[2]


Abril 26, 1993

(Sinasabi ng Ating Banal na Ina)
Minamahal kong mga anak, napakalayo pa rin ng inyong mga puso sa Amin[3] dahil hindi pa rin ninyo nauunawaan ang ibig sabihin ng Aming pagpapahiwatig, ni ang Aming mga salita sa Aming mga Mensahe; hindi pa rin ninyo nauunawaan ang ibig sabihin ng Kapayapaan, Pag-ibig at Pagkaka-isa; kung batid ninyo ito, hindi sana nagniningas ang inyong mga bansa ngayon; kung naunawaan lamang ninyo ang Aming mga Mensahe ay naunawaan sana ninyo ang mga salitang ito ni Jesus at isinabuhay ninyo ang mga ito: “ang sinuman sa inyong nais na maging dakila ay dapat na maging inyong tagapaglingkod at ang sinuman sa inyo ang nais na mauna ay dapat na maging inyong alipin,” tulad ng bumaba si Jesus hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang ialay ang Kanyang Buhay bilang pantubos para sa marami, tantuin ninyong ang kaharian ng Langit ay para sa lahat, subalit hindi ito nakikita ng lahat at hindi lahat ay nakapapasok dito; kung gayon ay huwag kayong magugulat kung makikita ninyong ipinagkakaloob ito sa iba maliban sa inyo;…



Panalangin sa Panahon ng Pagdadalisay

Amang Mahabagin, huwag Mo sanang hagupitin ng Iyong poot ang salinlahing ito, upang hindi sila malipol nang lubusan;
Huwag Mo sanang hagupitin ng pagkabahala’t dalamhati ang Iyong kawan, dahil ang tubig ay matutuyo at ang kalikasa’y malalanta; ang lahat ay mamamatay nang dahil sa Iyong poot at walang maiiwang bakas sa kanilang paglisan;
Pagniningasin ang daigdig ng init ng Iyong Hininga, ginagawa itong walang-halaga! Makikita ang isang bituing lilitaw mula sa guhit-tagpuan; Mawawasak ang gabi at mahuhulog ang abong tila niyebe sa taglamig, tinatabunan ang Iyong sambayanan upang matulad sa mga multo;
Kaawaan Mo kami, O Diyos, at huwag Mo kaming husgahan nang marahas; Alalahanin Mo ang mga pusong nagagalak sa Iyo at Ikaw sa kanila!
Alalahanin Mo ang mga tapat sa Iyo at huwag Mong pahihintulutang bumagsak nang may kalakasan ang Iyong Kamay sa amin,
Subalit, sa halip, nang dahil sa Iyong Awa’y iangat Mo kami at ilagay Mo ang Iyong mga tuntunin sa bawat puso. Amen                                                       
(28 Nobyembre 2009)




Ref.: Katesismo ng Iglesia Katolika • “True Life In God” by Vassula Ryden, translated by True Life In God – Philippines; website - www.tlig.org • Patnubay sa Misa, 30Oktubre 2011, Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taong A.
 

[1] natatakot akong baka nagalit si Jesus sa akin
[2] Mt. 20:26-28
[3] ang ibig sabihin ng ating Banal na Ina ay si Jesus at Siya. Ang Dalawang Puso.

No comments: